May isa akong dating classmate sa high school na laging masiyahin. Sya ang unang bumabati ng “Good Morning!” sa aming classmates chat group. Kasunod ng pagbati ang isang GIF, kadalasan kapeng umuusok, o sticker na may inspirational message. Buong araw, aktibo sa convo, pumapatol sa corny jokes at memes (madalas galing sa akin), at sa gabi naman lagi syang may pabaon ng “Good Night” sa aming lahat. With heart emoji pa.
Ngunit napansin ko (malamang napansin din ng iba) na biglang dumalang ang kanyang pagbati ng good morning. Tanghali na kapag mangamusta. Sa mga convo, emoji lang ang reaction. Ano kaya ang nangyayari sa kanya, inisip ko? May pinagdadaan kaya? Hanggang isang hapon ay dumating ang kanyang nakakagulat na pag-amin. “Ang sisipag ng mga congressman natin! Napuyat na naman ako sa quadcomm!”
Politiserye Season
Welcome sa bagong pambansang libangan. Kung may kategoryang children’s entertainment at adult entertainment, meron na ring political entertainment. Politiserye. At lumalabas na hindi nag-iisa ang classmate ko.
Pambansang teleserye na nga ang tawag sa mga hearing ng Quadcomm, ang apat na committee ng House of Representatives na nag-iimbestiga sa drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Sa ratings, hindi pa naman nito naitataob ang FPJ’s Batang Quiapo, pero duda ko medyo malapit-lapit sila sa second place.
Unang-una, convenient manood ng Quadcomm hearings. Hindi mo kailangang tumanghod sa harap ng telebisyon o maupo sa harap ng radyo para masubaybayan. Dahil live streaming, basta maayos lang ang wi-fi connection mo o ng kapitbahay mo, solb ka na. Smartphone lang pwede na. Kahit nakahilata sa kama, nakasakay sa dyip, o habang nagluluto ng baon ng kids ay may front row seat ka sa mga hearing.
Rebelasyon din para sa marami ang ilang kongresista na matalas ang utak at mahusay magtanong. Magaling ang pagkakalatag. Syempre, meron din namang mga maligoy at magulong magtanong, pero keri na yon dahil aminin natin, mas malaking disappointment ang kalidad ng ilang myembro ng Senado, na dati’y tahanan ng mga paham at iginagalang na legal minds ng bansa.
Sayang nga lang at kulang ng dramatic effects ang hearing. Kapag napapaamin ang matitigas na witness gaya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chair Royina Garma, dapat merong stinger at cutaway shots para madagdagan ang drama. Siguro dapat kumuha na sila ng direktor ng teleserye bilang consultant. Kailangan din siguro ng matinding pamagat. Lahat ng matinding teleserye, may patok na pamagat. May nag-suggest ng “Patayin Nyo, Babayaran Go!” pero baka may magreklamo.
Adik ang mga Pinoy sa teleserye. Ito ang nagpayaman sa TV networks at nagpasikat sa maraming artista. Kaya marami ang na-adik sa Quadcomm. May iyakan at sigawan. May action, o madamdaming kwento ng action scenes gaya ng pagpatay sa mga nakakulong na drug lord. May bida (ehem) at kontrabida (hulaan nyo). At yung kontrabida, may sidekick na taga-abot ng pera.
‘Rated VP’
Sa sobrang sikat ng Quadcomm, eto’t sinabayan sila ni Vice President Sara Duterte.
Nagpatawag sya kamakailan ng press conference na umabot ng dalawang oras. At dito, inilaglag nya si Manang Imee (sorry manang, pero hindi ka na isang kaibigan). Pinitik at ininsulto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na minsan ay inisip nyang putulan ng ulo dahil hindi raw ibinigay ang relos na inaarbor ng isang graduate (Teka, depende naman siguro sa brand ng relos yan. Kung tulad ng Audemars Piguet ni Pulong bakit naman ibibigay?).
Ang pinakamatinding sinabi ni Vice President Duterte ay ang banta nya kay Manang Imee na ipapahukay nya ang bangkay ni Apo Ferdie sa Libingan ng mga Bayani at itatapon sa West Philippine Sea. Kung buhay pa ang blue ladies ni Madam Imelda, naku, nagsigawan na siguro sila ng “que barbaridad!” sabay paypay ng kanilang mga abaniko. Ano naman kaya ang naging reaksyon ni First Lady Liza Marcos? Isang “ooemmgee!” o malutong na “wtf?!”?
Eto ang malupit. Habang sinasabi ni Vice President Duterte ang mga kahindikhindik na rebelasyong ito ay hindi halos nagbabago ang kanyang demeanor, parang chikahan lang sa parlor ang peg.
Dapat ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) meron nang viewer’s advisory kapag mag-live event ang ating Vice President: “Warning: Ang programang ito ay Rated VP.” Kapag narinig nyo na ito, takpan na ang tenga ng mga bata at magbukas na ng bote ng gin.
Ano naman kaya ang pamagat ng one-time special na ito, na hindi naman stand-up show kasi nakaupo sya pero nakakatawa na nakakainis pa rin ang resulta? “Drag Me to Hell Where I Am President: The Sara Duterte Comedy Show.” Pwede.
Abangan ang Susunod na Kabanata
May tanong ako sa ating butihing Vice President. Pagkatapos ng palakpakan ng mga DDS, ano na ang follow up, ‘te? Song and dance with BFF Harry who cannot be located? Saan ba papunta ito? Sa 2028? Malabo na makakakuha pa ng boto sa mga Ilocano pagkatapos nyang bastusin ang alaala ni Apo Ferdie. At tingin ko naman hindi lahat ng taga-Visayas at Mindanao ay pabor sa ganitong ugali sa isang gustong maging pangulo ng bansa.
Nang magbukas ang Season 2 ng Quadcomm, idiniin ni Kerwin Espinosa si Senador Ronald “Bato” de la Rosa sa panggigipit kay dating senador Leila de Lima. Si Garma, sinabing si dating pangulong Duterte ay tumawag sa kanya para pumili ng mga tao na magpapatupad ng “Davao style” drug war sa buong bansa. Si Senador Bong Go umano ang kontak at taga-fix. Pero sabi ng mga kongresista, papunta pa lang sila sa exciting part. Naku, mapupuyat na naman ang classmate ko.– Rappler.com
Joey Salgado is a former journalist, and a government and political communications practitioner. He served as spokesperson for former vice president Jejomar Binay.